Wednesday, April 12, 2023

Pelikulang “Dollhouse” na pinagbidahan ni Baron Geisler, inspired pala sa totoong kuwento ng isang aktres!

Sa sobrang dami ng luha at sa sobrang bigat ng emosyon natin sa panonood ng pelikulang “Dollhouse,” ‘yun naman ang intensity sa ating pagkagulat nang ibinunyag ni Faye Lorenzo na hango pala ito sa kanyang experience sa buhay!

Credit: @baron.geisler Instagram

Bago pa man makilala si Faye Lorenzo bilang isang aktres, sobrang hirap pala ng kanyang pinagdaanan sa buhay na tila ba’y aakalain mo na isa itong drama.

Sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” ibinunyag ng sexy Kapuso actress na inspired pala sa kanyang experience ang plot ng pelikulang “Dollhouse” na pinagbidahan ni Baron Geisler na pumatok lang naman sa Netflix noong 2022!

“‘Yung story, Tito Boy, base siya, ‘yung ginanapan ni Kuya Baron, story ko siya and my father. He was a dr*g add!ct,” ayon kay Faye.

Credit: @fayelorenzo_ Instagram

Sa kabila ng sitwasyon ng kanyang ama, labis naman na ipinagmamalaki ni Faye na naging mabuti sa kanilang magkakapatid ang ama at hindi umano ito kailanman nagkulang sa pagmamahal. Sa katunayan, pilit umano sila nitong itinaguyod mag-isa.

“Pinaramdam niya sa aming magkakapatid kung gaano niya kami kamahal. Tinaguyod niya kami kahit na naiwan–iniwanan kasi kami ng mama ko ‘nung bata pa kami,” tugon niya.

Pagbabahagi pa ng aktres, noong una umanong ipinalabas ang pelikula sa Netflix ay labis siyang nag-alala dahil baka i-judge ang kanyang ama pero laking gulat umano niya nang bumenta ang kuwento ng “Dollhouse” at marami rin ang na-inspire sa character development ni Baron sa pelikula.

Credit: @baron.geisler Instagram

“Medyo sensitive ako kasi baka i-judge siya ng mga tao pero nakakagulat nga kasi ang daming na-inspire doon sa story,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Hindi ako makapaniwala na ang dami palang katulad ko na pinagdaanan ‘yung gano’n na nagkaroon sila ng tatay na naging mahina, na ‘yun ang ginamit na way para makatakas sa problema.”

Ayon kay Faye, dulot umano ng kahirapan ng sitwasyon kaya nalulong sa droga ang kanyang ama gayunpaman, hindi naman niya ito sinisi sa kinailangan niyang pagdaanan sa murang edad dahil inaalay umano niya sa memorya nito ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Credit: @baron.geisler Instagram

Wala talagang perpektong magulang pero bagama’t naging ganoon man ang sitwasyon ng kanyang ama, malaki naman ang pagpapasalamat ni Faye Lorenzo na hindi sila tinalikuran nito sa kabila ng lahat. Sa pagmamahal na meron niya sa kanyang ama, grateful din siya sa positibong feedback ng publiko sa pelikulang “Dollhouse” na nagsilbing realization sa lahat na may chance ang lahat na magbago at magpakatino para sa pagmamahal na meron sila sa kanilang mga anak.

The post Pelikulang “Dollhouse” na pinagbidahan ni Baron Geisler, inspired pala sa totoong kuwento ng isang aktres! appeared first on Pinoy Online Portal.


No comments:

Post a Comment

Back To Top